Epilogue : |
Hindi ako makapaniwala sa mga nangyari. May dalawang bangkay sa aking harapan. Ang katawan ni Mang Dante at Nestor. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong gawin. Magsumbong ba ako sa mga pulis ? Ngunit hubo't hubad kaming tatlo. Paniniwalaan kaya nila ako ? Gulong gulo ang aking isipan. Ayokong makulong.
Halos mahigit isang oras din ako nakatulala at iniisip kung ano ang dapat kong gawin. Kung ano ang mas makakabuti para sa akin.
Buong lakas akong tumayo. Nilinga ang paligid. Nasa isang abandonadong bodega ako. May mga gamit sa pag sasaka. Lumakad ako patungo sa labasan. Wala akong maaninag kung hindi isang malaking sakahan. Malawak ang lupain. Halos kadiliman ang aking natatanaw. Nasa isang liblib na lugar ako.
Kinuha ko ang pala at piko. Pumunta ako sa likurang bahagi ng bodega at sinimulan ang paghuhukay. Ang lupa ay medyo malambot na dahil na rin sa nakalipas na pag ulan. Buong lakas akong nag hukay. Gamit ang natitira kong lakas ay sinikap kong tapusin ito bago sumapit ang umaga.
Matapos ang paghuhukay ay bumalik ako sa loob ng bodega. Isa isa kong binuhat ang mga walang buhay na katawan nina Mang Dante at Nestor. Dinala sa likuran upang ilibing silang dalawa. Unti unti kong tinapunan ng tipak na lupa hanggang sa tuluyan na silang naglaho kasama na rin rito ang patalim at kalaykay na tumapos sa kanilang buhay.
Tinaniman ko ng buto ng mga halaman ang kanilang libingan, upang makasigurado na mabalutan ng halaman ang mga ito sa katagalan ng panahon.
Bumalik ako sa bodega upang linisin ang mga dugong nagkalat. Buong magdamag ko nilinis ang mga ito, ultimo sa kasuluksulukan hanggang sa wala ng bakas ng krimen sa lugar. Ito ang nararapat kong gawin.
May nakita akong mga lumang damit. Isang kamiseta at pantalon. Sinuot ko ito
at hinanap ang daan pauwi sa mansyon ni Mr. Choi.
Hanggang ngayon ay di pa rin maalis sa isipan ko ang mga nangyari. Paulit ulit na parang isang sirang plaka ang eksena sa aking utak. Nangangamba ako sa sarili kong kalayaan at seguridad.
Malayo man ang aking nalakad pero narating ko naman ang aking paroroonan. Sumampa ako sa bakod at umakyat patungo sa kwarto ni Mr. Choi.
Tinitigan ko ang kanyang maamong mukha. Malalim ang kanyang pagkakahimbing. Nakaramdam ako ng kirot sa aking kaliwang dibdib. Gusto ko pa siyang makasama ng matagal ngunit alam ko na ito ay imposible.
Ginawaran ko siya ng isang panakaw na halik sa kanyang labi. Ninamnam ng napakatagal. Gusto kong tumagal sa aking memorya ang mga sandaling ito. Di ko maiwasang pumatak ang aking luha.
Lumapit ako sa kanyang tainga. Bumulong ng marahan.
" Babalikan kita, antayin mo ako "
Note : Kindly check my profile for it's Book 2
Comments
Post a Comment